Word Poetry Challenge #10 : Pangarap
Umiibabaw ang pag-asa, buhay na naihayag
Tinanim sa aking puso aabutin ang mga nagniningning
Kahit mahirap pa sa ngayon, iyon ay mararating.
Kahit sino ay tatabi mula sa aking anino
Dahil ako’y sigurado sa aking gusto
May paututunguhang pangarap--lahat nakaplano.
Image Credits to Joy Lorenzo
Hinigpitan ko ang hawak baka matangay, naku, mahirap.
Natabig ng mga dumadaan, napunta sa kung saan
Muntik na maiyak nang pinulot siya dahil natapakan.
Gustong agawin sa akin kahit ako na ay pinupukpok
“Sigurado ka ba? ‘Yan ba talaga ang gusto mo?”
Paulit ulit-ulit akong nilulunod sa aking ulo.
Dumaplis ang ilan, nawala dahil sa sapak
Hanggang sa dumilat na lang ako nang masakit ang mata
Halos naubos na sila, habang hinahanap ako’y halos nagwala.
Kung ano ba talaga ang pangarap na natitira
Para man lang magsilbing liwanag sa madilim na pinagtapunan
Isang malupit na pagsubok ng buhay na ako’y pinagbantaan.
Sinaliksik ang mga gusto, ayaw, at kasiyahan na napili
Hinanap muli kung anong bagay ang sa akin ay nagpakilig
Na may kinang sa mata na walang kayang kumabig.
Ng pangarap sa dilim at sakit na hindi makita
Ibang klaseng ligaya kahit na parang posporo lang ang ilaw
Ngunit ito’y sapat na para ako’y ‘di maligaw.
Alamin mo paano siya iingatan sa bawat sandali
Dahil ikaw lang ang nakakaalam ng kanyang dakilang halaga
Sa buhay mo na magbabago ‘pag ito’y naabot mo na.