Isa, Dalawa, Tatlo, Itutuloy pa ba?

in #steemph6 years ago

image
Isa, dalawa, tatlo
Bumilang ako ng tatlo ngunit wala ka pa
Apat, lima, anim
Itinuloy ko hanggang anim ngunit ni katiting na presensya'y wala akong naaninag
Pito, walo at siyam
Patuloy ang pagbilang ko sa pag asang ika'y magpaparamdam pa
Natakot akong ituloy ito sa sampu sapagkat ayaw ko lamang madagdagan pa ang sakit na nadarama
Sakit na pilit itinatago sa likod ng mga maskarang nagsasabing kaya ko na

Naalala mo ba nung tayo'y mga bata pa?
Hilig mo na ang taguan
Ako ang bibilang, ikaw ang magtatago
Nakakatuwang isipin na noo'y kay dali mo pang hanapin
Ang dulo ng iyong saya'y laging naka litaw mula sa punong pinagtataguan
Mga hikbi't tawa ay rinig mula sa kalayuan

Ngunit ngayong tayo'y malaki na, tila nagbago ang lahat
Kay hirap mong hanapin at basahin
Sabi mo noon hindi ka bibitiw at kakalas
Ngunit ngayon ay nasan na?
Nasaan ka na?

Dapat pala tinapos ko hanggang sampu ang pagbilang
Kung alam ko lang na darating ka pa, hindi na sana naghanap pa ng iba
Kung dumating ka sana noong nasa ika-anim palang ako ng pagbilang
Hindi na sana naghintay pa ng matagal ang pusong naghahanap ng kasagutan

Ngayon, sabay nating lilisanin ang punong nagkubli sa 'ting nakaaran
Nakaraang puno ng masayang alaala't pangako
Mga pangakong patuloy na nawalan ng saysay
Mga alaalang dapat ng kalimutan
Ay patuloy ng itatago hangga't magbukas ang pusong nais ng magpahanap