Araw ng mga Guro 2020
Nais ko lang pong magbigay ng pagpupugay sa lahat ng naging guro ko lalo na ang mga gurong hindi ko malilimutan nung panahong nasa apat na sulok ako ng Mataas na Paaralan ng Bagumbong sa Hilagang bahagi ng Caloocan:
Kay Ginang Faustino na nagturo sa aking pumasok araw-araw kahit may lagnat at nagbago ng pagtingin ko sa pag-aaral nung ikalawang taon ko. Dahil din sa kanya, nagkaroon ako ng hilig sa pag-aaral ng kasaysayan. Sya ang pinakasigang guro sa apat na sulok ng kwarto na nakilala ko nung nasa Mataas na Paaralan ako pero nakatulong ito para makinig ako sa kanya. Nakuha nya ang respeto ko. Naaalala ko pa ang tinatawag nyang "quiz quiz-an" araw araw. Dapat may handa ka ng ika-apat na bahagi ng papel pagpasok nya dahil minsan nasa hagdanan pa lang sya, nagsasabi na agad sya ng tanong para sa nasabing pagsusulit.
"Maraming salamat po, Ginang Faustino!"
Kay Bb. Ma. Crestina L. Bacho na gumising sa aking damdamin sa Panitikang Filipino noong ikalawa at ikatlong taon ko. Bagama't Agham ang pinakapaborito kong asignatura, nagkaroon ng bahagi sa puso ko ang Wika at Panitikan. Ang mga maiiksing kwento na hindi lang pala dapat bigyan ng mababaw na pagtingin kundi maging ang mga sinasalamin nitong aral. Ang pagbabasa sa pagitan ng mga linya sa panitikan ay sa kanya ko natutunan. Pinuna niya ang ginawa kong tula dahil sa paulit-ulit nitong salitang tinutugma na hindi maganda. Kaya naging ganito ang paraan ko ng pagsulat ay dahil sa kanya. Ang mga bahid ng kanyang mga turo ay makikita sa paraan ko ng pagsulat hanggang sa ngayon. Kung siga si Ginang Faustino, parang kaibigan ang turing sa amin ni Bb. Bacho sa paraan nya ng pagtuturo. Nakikipagbiruan at pumupuna sa tamang lugar. Hindi ko malilimutan ang kanyang pagpapakilala at pagbibilin sa amin ng buo nyang pangalan: "Bb. Maria Crestina L. Bacho" hindi "Batso" o "Bachoy".
"Maraming salamat po, Bb. Maria Crestina L. Bacho!"
Sa mga Gurong Tagapayo ko, lalo na nung ikatlo at ikaapat kong taon na sina Ginang Licarte at Binibining Escaño na pumuna sa aking kakapusan sa marka at relasyon sa ibang guro. Malaking bagay ang inyong paalala!
"Maraming salamat po sa inyo!"
Magkaiba ang paraan ng mga guro kong iyan sa pagtuturo sa akin ngunit pare-pareho nilang nakuha ang aking respeto. Hindi ko alam kung bakit, ngunit binago nila ang buhay kong dati'y walang pakialam sa pag-aaral. Dahil ba panahon iyon ng pagbibinata? Dahil ba yun sa galing nilang magturo? Dahil ba marunong akong makinig? Dahil ba sa kanilang puso sa pagtuturo? Dahil sa kanilang pagpapakilala? Hindi ko kayang tukuyin hanggang ngayon ang dahilan.
Maaaring hindi na nila ako maalala dahil sa daming mag-aaral na dumaan sa kanila. Maaaring hindi ko na rin sila makilala dahil halos dalawang dekada na nung huling makita ko sila. Ngunit ang kanilang turo ay nagkaroon ng malaking bahagi sa buhay ko paglabas ko ng Mataas na Paaralan ng Bagumbong.
Kung ikaw ay nagtuturo, malaki ang magiging bahagi mo para sa kinabukasan ng iyong mga mag-aaral. Paano ka kaya nila maaalala ng iyong mag-aaral kapag nakatapos na sila? Saan kayang bahagi ng kanilang puso ang iyong lugar? Galingan mo hanggang kaya at panindigan ang kagalangkagalang na sapatos na sinuot mo. Salamat sa pagkasa mo sa hamon. Nawa'y samahan kayo ng Poong Maykapal!
Sa araw na ito ng mga Guro, nais kong kunin ang pagkakataon para pasalamatan ang lahat ng naging Guro ko sa loob at labas ng paaralan lalo na ang mga gurong nabanggit ko sa itaas!
"May iba't ibang bahagi kayo sa puso ko. Maraming maraming salamat sa inyo!"
Maligayang araw ng mga Guro!