Ang Mangangaral Sa Damasco

in #religion7 years ago

Kabanata 4
Magkaroon ka ng talaan ng iyong mga miyembro. Talaan ng lahat ng mga impormasyon ng kanilang pagkatao, pati pamilya ; mga magulang nila at mga kapatid. Lahat ng detalye tungkol sa kanila, makikita mo ang malaking pakinabang nito sa bandang huli. Ito ay napakahalaga at kapaki-pakinabang sa maraming paraan. Ito ang hindi nagawa ng ibang mga relihiyon sa mundo kung kaya hindi nila makontrol ang kanilang mga miyembro. Ang talaan ng iyong mga alagad ang magbibigay sa iyo ng pambihirang proteksiyon at kakaibang kapangyarihan. Ito ay isang uri ng kapangyarihan na kung matututuhan mong gamitin ay mapapaluhod mo silang lahat. Sa pamamagitan ng talaan ay maipagwawag-wagan mo ang iyong mga mananampalataya. Itimo mo sa isip ng iyong mga alagad na ang nakatala sa inyong relihiyon ang siyang nakalista sa langit at silang maliligtas, ang nakatala ang mga hinirang ng Diyos. Ang mawala o matiwalag sa talaan ay magiging sa diablo at masasadlak sila sa pinakamabigat na parusa. Ituro mo na may lawang apoy na naghihintay sa sinumang tumiwalag at matiwalag sa iyong relihiyon. Likas sa tao ang pagiging matatakutin. Iyan ang samantalahin mo. Sa ganito ay iingatan nila ang kanilang pagiging kaanib. Hubugin mo silang lahat na kamuhian at hamakin ang mga natiwalag kung magagawa mo ay ipakulong o ipapatay mo lalo na at banta sa iyong kapangyarihan at posisyon. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang talaan.
Malalaman mo ang buong detalye ng kinaroroonan nila, sa pamamagitan ng talaan at madali mong maipadudukot at maipapapatay ang sinumang sasalungat sa iyo. Kapag napaniwala mo ang iyong miyembro kung gaano kahalaga ang record sa listahan ng mga kaanib sa iyong relihiyon ay ihihiyaw nilang may pagluha sa kanilang mga panalangin na babaunin nila hanggang sa kamatayan ang kanilang pagkakatala.
Hawakan mong mahigpit ang kapangyarihan sa pagdaragdag at pagtatanggal ng mga miyembro. Sikapin mo na ikaw ang maging pinaka-supremo pagdating sa paghawak sa listahan ng mga disipulo mo na anupat kaya mong idagdag, itiwalag at ibalik ang sinuman sa kanila, ano mang oras mo ibigin. Hubugin mo sila sa aral na ang katumbas na matala sila sa iyong relihiyon ay buhay na walang hanggan at ang matiwalag ay kamatayan o pagkasadlak sa pinaka-matinding parusa. Sa ganito ay manginginig sila sa takot at ibibigay ang lahat na nasa kanila kahit isusubo na nila. Patatabain ka nila pati ang iyong pamilya, gagawin ka nilang parang diyos o hari, ipatitikim nila sa iyo ang hindi nila natikman sa kanilang buhay basta makapamalagi lang sila sa talaan ng mga hinirang na mga maliligtas.
Katulad ng pagpapatakbo ng mga militar, bawat isa ay may talaan kaya kontrolado ng heneral ang kanyang mga sundalo. Kung mayroon mang hindi magpapasakop at lalaban sa iyo ay madali mong malalaman ang ang kanilang pagkatao dahil sa hawak mong talaan. Alam mo kung saan mo siya sasalakayin. Sa pamamagitan ng mga tala ng kanilang pagkatao ay malalaman mo ang kahinaan ng iyong mga miyembro kung sakali man na sila ay lalaban sa iyo. Alam mo kong saan siya matatagpuan at kung sino ang kakausapin mong mga ka-pamilya niya, sa ganoon ay mapagsasabong mo sila kapalit ng pangako na kaligtasan at buhay na walang katapusan. Ang kontroladong mga miyembro ang magdadala sa iyo ng di malirip na salapi, kayamanan at kapangyarihan. Ang mga kontroladong mga miyembro ang lilikha sa iyo na maging makapangyarihang diyos. Ang iyong mga miyembro ang pinakabukal na pagmumulan ng iyong pangloob na kapangyarihan. Sa lahat ng mga ito ay may malaking kinalaman ang hawak mong talaan. Utuin mo silang lagi na may kopya ng talaang yaon sa langit na hawak ng mga anghel Diyos. Ituro mo na ang kanilang mga pangalan doon sa simula ay malabo pa ngunit dahang-dahang lumilinaw at kumikinang habang sila ay maraming nagagawang mga gawaing pagrelihiyon kagaya ng palagiang pagsamba, pagtanggap ng tungkulin, maraming naakit na mga bagong miyembro, matulungin sa mga mangangaral, malakas mag-abuloy, nagpapasakop sa iyo bilang lider at marami pang iba. Pahirapan at patagalin mo kung mayroong magbabalik na mga natiwalag ng sa ganoon sa kanilang pagbabalik ay lalo nilang mamahalin ka at ang kanilang pagkakatala sa iyong relihiyon, habang pinatatagal mo ang kanilang pagbabalik ay lalo mo silang tinatakam sa mga pambihira mong mga pangako - ang iyong mga makalangit na mga paninda.