Muling pagbalik ng Tag-init

in #pilipino7 years ago (edited)

Panahon ng tag-init nang una kitang makita. Panahon ng pamumukadkad ng mga bulaklak na kulay puti, lila at dilaw. Panahon ng anihan ng gintong mga uhay.

image

Unang nagtagpo ang ating mga mata. Ngumiti ka at ako nama'y umiwas ng tingin. Isa kang bagong mukha sa aming lugar. Kailanman man ay hindi pa ako nakakita ng ganoon kaamong mukha. Lihim na humiling ang aking puso na sana'y isa mga araw na dumating, ika'y aking makilala at maging kaibigan

Madalas kitang napapansin sa may kapatagan kalaro ang aming mga batang kapit-bahay. Tumutulay kayong madalas sa mga pilapil. Kung sana'y kaya ko ring makipaglaro sa inyo. Di sana'y nakasama na din kita. Minsa'y napapatingin ka sa aking direksyon, ngumingiti na animo'y malaon mo na akong kakilala. Ako naman tulad ng ginagawa ko madalas ay iiwas lang ng tingin sa iyo.

Nakikita kong kumukumpas ang iyong mga kamay habang nakikipag-usap ka sa iyong mga kalaro at tumuturo sa aking direksyon. Ako ba ang inyong pinag-uusapan?

Maya-maya'y tumakbo kang palalapit sa aming veranda kung saan ako naroon. Bumilis ang tibok ng aking puso. Nais ko sanang manaog na sa bahay ngunit hindi ko kaya.

Agad-agad kang nagpakilala at tinangkang sa akin ay makipagkamay. Ngunit hindi pa rin kita pinansin. Nakita ko sa gilid ng aking mga mata kung paanong ang kamay na inilahad mo sa akin ay napakamot na lang sa iyong ulo.

Ngunit hindi ka tumigil sa pakikipag-usap sa akin. Ikaw ang nagkusang nagkwento kung paanong mula sa Maynila ay napunta kayo sa aming lugar. Na ang tatay mo ay naatasang mamuno sa isang malaking kumpanya na kailan lamang naitayo sa aming lugar. Nalaman kong ikaw pala'y kasing edad ko lamang at kapareho lang ng baitang sa eskwelahan. Kung sana'y nakakapag-aral pa ako.

Maya-maya'y nagpaalam ka na sakin dahil sabi mo'y hinahanap ka na ng nanay mo. Akala ko'y iyon na ang huling araw na ikaw ay bibisita sa bahay upang mangulit.

Ngunit nagulat ako dahil ng mga sumunod na araw ay patuloy ka pa rin sa pagpunta sa aming bahay upang ako ay kausapin.

Parati kang may dalang ligaw na bulaklak para sa akin na napitas mo sa daan.

image

Kaya't hindi nagtagal ay nakikipagpalitan na din ako ng kwento at biruan sa iyo.

Naging malapit ka din sa aking pamilya. At hindi nagtagal ay nakumbinsi mo aking mga magulang na payagan akong magbalik eskwela ulit. At sinabi mong ikaw ang mag-aalaga sa akin dahil magkaklase naman tayo.

Tinupad mo naman ang pangako mo. At ikinatuwa iyon ng mga magulang ko. Dumaan ang maraming araw. Anihan na naman ng nga pananim. Kasabay ng pagyabong ng mga halaman at bulaklak ay yumabong din ang ating mga damdamin. Kasing kulay ng mga bulaklak na puti, lila at dilaw ang mga batang pag-ibig na sumibol sa ating daigdig.

Nahiling ko noon na sana'y hindi na magwakas ang lahat ng iyon. Sana'y kasama palagi kita.

Magtatapos tayo noon sa sekundarya nang sabihin mo sa akin ang balak ng iyong mga magulang na muling pagbalik sa Maynila dahil sa trabaho ng iyong ama. Iiwan mo na pala ako. Tinanong kita kung babalik ka pa ngunit hindi ka makasagot. Tanging tungo lamang ang iyong naitugon. Naging mapait ang ngiti ko pagkatapos niyon. Matabang at malamig ang boses ko noong sabihin kong ihatid mo na ako. Walang lambing, walang pakiusap.

Tinatahak na natin ang landas papunta sa amin nang bigla kang napatigil.

"Mahihintay mo ba ako," ang tanong mo.

Doon namasa ang aking mga mata, "babalik ka ba?" Balik kong tanong sa'yo.

Muli, hindi ka na naman sumagot. "Papaano akong maghihintay sa taong hindi ko alam kung babalik pa? Iuwi mo na ako. Hindi na maganda ang pakiramdam ko."

Walang imikan tayong nakarating sa bahay. Nanaog na ako't hindi na lumabas pa upang harapin ka. Narinig ko ang paghingi ng dispensa sa iyo ng nanay hanggang sa maramdaman ko ang iyong mga yabag na papalayo.

Hindi na rin ako pumasok matapos noon. Nakausap na rin ng nanay ang mga guro natin at nakumpirmang kasama naman daw ako sa mga magtatapos kahit hindi man ako umakyat sa entablado. Sayang nga lamang at hindi maisasabit sa akin ng nanay at tatay ang mga medalyang aking makukuha. Hindi na bale. Wala na akong gana. Kahit ikaw nama'y wala na doon sa araw ng ating pagtatapos.

Dumating ang araw ng iyong pag-alis. Hindi man lang kita nakausap. Hindi ko man lang nasabing ako'y maghihintay. Kung pwede lamang sana kita puntahan. Kung hindi lang ako nakatali dito sa aking upuang may gulong. Di sana'y nakita kahit sa huling pagkakataon.

Panahon ng tag-init noong ikaw ay dumating. Parehong panahon din ng ikaw ay umalis. Panahon ng tag-init ngunit walang tigil sa pag-agos ang aking mga luha. Panahon ng pamumukadkad ng mga bulaklak at mga pananim sa anihan. Ngunit para sa aki'y walang kulay ang lahat. Madilim ang kalangitan at kahit anong oras ay magbabadyang umulan.

Ilang tag-init ang dumaan. Ngunit tila hindi ko iyon naramdaman.

Pang-apat na tag-init na at naghihintay pa rin ako na bumalik ka. Hindi ko alam kung mangyayari pa. Nakatingin lang ako sa kawalan. Bigla akong may naaninag na isang bultong sobrang pamilyar. Bagama't tumaas ito at tila mas nagkalaman, ay hindi ko ito malilimutan. Katulad pa rin ng dati ang bilis ng tibok ng puso ko sa presensyang iyon.

Ikaw nga! Bumalik ka!

Nais kong tumakbo papalapit sa'yo. Sana'y nasalubong man lang kita! Ngunit wala pa rin akong magawa kundi hintayin kang makalapit. Ito na ata ang minakamatagal na tatlong minuto ng buhay ko...

Hanggang sa nasa harapan na kita. Pinunasan mo ang aking mga matang tigib ng luha. Sa unang pagkakataon pagkatapos ng maraming taon, nakita na ulit kita! Heto ako ngayon, nakakulong sa iyong mga bisig.

Sa wakas, sa tingin ko'y babalik na ang dating sigla ng aking mga tag-init. Dahil bumalik na ang tanging dahilan kung bakit sumisikat ang araw sa aking daigdig.

Sort:  

Yes ang ganda ng kwento niya! Ang galing napa farm ako bigla tapos the images are really good din.