Ang Mangangaral Sa Damasco

in #offering7 years ago (edited)

Kabanata 6

Ibatay mong lagi sa sagradong aklat ang iyong mga sasabihin, ituturo at ipangangako sapagkat para sa kanila ang mga salitang galing sa banal na aklat ay isang batas at ilaw nila sa paglalakbay. Iyon ang gamitin mong panggayuma, pang-hinotismo at pang-manipula sa kanila. Humanap ka sa banal na aklat ng mga salita na may malalawak na mga kahulugan kagaya ng "ayon sa pangangailan", "maka-alam ng hiwaga" at ang salitang "pagpapasakop". Ang tatlong salitang ito ang kapag nasumpungan mo sa aklat ay malaya mo ng magagawa ang bala mong maibigan. Wala silang karapatan na tutulan ang iyon mga pakahulugan sa mga salita mula sa aklat na iyon dahil ikaw ang kinikilala nila na bukal ng katotohanan na kailangan nila.Naikundisyon mo sila na ikaw lamang ang bukod tanging may karapatan na magpaliwanag ng mga nasusulat sa aklat. Magiging tiwalang-tiwala sila sa iyo.
Ang pamamaraan upang ang iyong mga disipulo ay mamalaging nasa iyong palad; limitahan mo ang kanilang magagawa at limitahan mo ang kanilang kaalaman. Hangga't nariyan sila sa ganyang estado ay patuloy mo silang mapaglalaruan. Tandaan mo lahat ng mga tao sa mundo ay uto-uto. May kanya kanya lang grado. Gustong-gusto ng mga tao na niloloko sila. Pinangangakuan ng kaligtasan, buhay na walang hanggan, banal na lunsod, kasaganan at pakikisama ng Maykapal. Gustong - gusto nila na may sagradong aklat na doon hinahango ang kanilang paniniwala. Gusto-gusto rin nila na laging may sugo na magtuturo sa kanila. Sa pamamagitan ng batayang aklat at ng kapangyarihan na bukod tanging makapagpapaliwanag ng mga nasa aklat ay makalilikha ka ng sanda-makmak na mapaniwalain.
Sa umpisa ng iyong pangangaral banggain mo ang malalaking relihiyon, pag-aralan mo ang kanilang mga kahinaan. Iwasan mo lang na kalabanin ang hindi mo kaya sa halip ay kaibiganin mo, lingapin mo sa pamamagitan ng mga nakasupot na pagkain at mga tulong na gamot sa mga maysakit. Sa ganito ay makatatawag ka ng pansin. Bumuo ka ng grupo na sisiyasat ng kanilang mga aral. Kailangan kang makatawag ng atensiyon upang makakuha ka ng mga miyembro. Ito ay mabigat at mapanganib ngunit sa ganito ka makatatawag ng pansin. Kapag lubos na malaki na ang iyong relihiyon ay itigil mo na ang ganyang pamamaraan sapagkat hindi na bagay sa malaki ang pumatol sa maliit.
Kapag nasa hustong sukat na ang iyong relihiyon ay salapi na ang iyong pakilusin sa lahat ng mga aktibidad na iyong ilulunsad na ang ibubunga ay ang lalong pagsikat ng iyong relihiyon at lalong pagdaloy ng napakaraming salapi at kapangyarihan.
Kung magagawa mo na mamili o puhunanan mo ng malaking salapi ang mga magiging miyembro na kilala o kaya ay mangangaral din ng ibang mga relihiyon ay gawin mo, kunan mo sila ng mga pahayag o testimonya at saka ipakita mo sa lahat ang kanilang mga naging pag-anib sa iyong relihiyon. Bagama't malaki ang iyong guguguling halaga ngunit huwag mong panghinayangan ang mga yaon, ang balik noon sa iyo ay magiging makailang ulit na salapi. Napakalaking salapi ang ibubunga ng kanilang mga testamento.
Sa simula ng iyong pangangaral ay darating ka sa mga tao ng ang iyong tanging dala ay ang sagradong aklat at sila naman ay may dalang salapi. Pag-alis mo, dala mo ang sagradong aklat at pati na ang kanilang salapi.
Likas din sa mga tao ang pagiging matatakutin at makasalanan. Iyan ang samantalahin mo. Ipangaral mo na dahil sa kanilang mga kasalanan ay susumpain sila at dadalhin sa isang napakabigat na parusa na anupat maghahanap sila ng pag-asa na makatakas dito. Katatakutan nila ang isang bagay na wala pa. Paniwalain mo sila na may matinding parusa na darating sa tao. Habang buhay na parusa. Ipangaral mong lagi mo na ang lahat ng tao ay nakagawa ng kasalanan at nangangailangan ng kaligtasan, sa gayun lahat ng tao sa mundo ay magiging parukyano mo. Manginginig sila sa takot at dahil dito ay mangangarap sila ng kaligtasan, buhay na mahaba at hindi tatablan ng kamatayan, at maghahanap sila ng isang perpektong lugar na walang gulo, gutom at hirap. Likas sa tao ang mapangarapin, dito mo sila utoin at lasingin. Nakahanda silang magbigay ng mga salapi kapalit ng iyong mga pangako na ang lagi mong palilitawin ay ang Diyos ang may saad. Lumikha ka ng isang seremonya na gagawin mong minsan sa isang taon na ito ang pinaka-amnestiya nila sa Diyos. Sa okasyon ito nagpapatawad ang Diyos ng mga kasalanan sa kanyang mga anak. Ngayon ay bigyan mo sila ng mga sobre na doon nila ilalagay ang kanilang salaping handog. Ang mga sobreng iyan ang magbubulong sa kanila na "kayo ay patatawarin sa inyong mga kasalanan sa seremonyang ito kaya lakihan ninyo ang iyong mga handog salapi".
Napakadaling lokohin ng mga tao ngunit napakahirap na kumbinsihin na sila ay niloloko. Kapag naka-tatto na sa kanila na ikaw ay sugo ng Diyos ay hindi na sila maniniwala sa kaninuman na nagsasabing niloloko mo lang sila. Hubugin mo sila sa isang pananampalataya na maliban sa iyo at sa iyong mga mangangaral lahat ay mga bulaang propeta na, sa gayun ay magiging batubalani ka na silang lahat ay habang buhay ng nakadikit sa iyo.
Habang sila ay sumasampalataya at nasa iyong kawan ay hingan mo sila ng hingan ng salapi. Ibat-ibang pamamaraan, istilo at mga pakulo ang gamitin mo. Sa oras na mawalan sila ng pananampalataya dahil sa anumang narinig, nakita at naging karanasan nila sa relihiyon mo at hindi na nila makayang tiisin ay hindi ka na makakakuha ng anuman sa kanila. Kaya habang sila ay mananampalataya ay pigain mo ng pigain, kapag dumaing sila sa sunod na sunod na abuluyan, ambagan at hingian ay papaghingahin mo muna silang sandali pagkatapos ay dahan-dahanin mo uling ikampanya ang sunod sunod na aktibidad na may kinalaman sa salapi. Ang pagkatas ng salapi mula sa mga mananampalataya ay kakainin mo muna ang kamay dahan-dahan hanggang ibigay niya ang buong katawan. Kung siya ay napuno na at biglang nagdesisyong humiwalay na sa iyong relihiyon o kaya'y nakagawa ng kasalanang ikatitiwalag ay nakasigurado ka na, na nasa iyo na ng ang kanilang salapi. Huwag mong panghinayangan sila kung tabangan na sa samahan mo at nagdesisyon na lumayas na, nanlamig o kaya'y natiwalag na, ang mahalaga ay nakuhanan mo na sila ng katakut takot na salapi na hindi na nila mababawi, maghabol na lang sila sa tambol ng mayor. Iyan ang isa sa kagandahan ng relihiyong iyong itatatag walang kalugi-lugi at katalo-talo. Ang relihiyon ang isa sa mga pinaka-matandang negosyo at pulitika. Ito rin ang pinaka-epektibong paraan ng pagkamal ng salapi at kapangyarihan.
Walang dahilan para panghinayangan mo ang mga itiniwalag mo, una; nakuhanan mo na sila ng salapi, pangalawa; may mga kapalit na sila, dahil walang tigil ang iyong mga mangangaral na nagsisilbing pinaka-makinarya mo sa pangungumbirte ng mga tao na magiging kapalit sa mga nabawas sa iyong relihiyon o mga bagong mga taga-abuloy.