Ang Mangangaral Sa Damasco

in #church7 years ago

Kabanata 9
Dahan-dahanin mo ang ang paghingi ng mga abuloy sa iyong mga tagasunod ngunit walang tigil sa paraang hindi nila mahahalata. Karaniwan sa mga relihiyon ay isa lamang ang pagsamba sa bawat Linggo. Gawin mong higit diyan ang dalas ng pagsamba. Sa bawat pagsamba ay iutos mo ang abuluyan o handugan. Iyan ang gamitin mong pangsuweldo sa mga mangangaral mo at sa pagpapalagananap ng inyong pananampalataya sa maraming pamamaraan iyan ang pang-merkado mo. Lahat ng paraan na puwedeng pagmulan ng salapi mula sa mga tagasunod mo samantalahin mo na gawin ng disimulado hangga't hindi pa sila lubos na nagkakaugat ang iyong relihiyon. Upang ito ay mangyari, lagi mo lang silang saksakan ng opyo o mga leksiyon na ito ay utos ng Diyos, sila ay maliligtas, pagpapalain, uunlad at yayaman. Sa ganun kahit malaki na ang sugat ng kanilang bulsa ay hindi nila maramdaman at naliligayahan sila na patuloy na magbigay. Pag aralan mong mabuti kung saan nagmumula ang salapi ng mga kaanib mo at doon mo itapat ang mga mahahalagang mga okasyon na may mga abuluyan. Tandaan mo na kapag nasanay na sila sa isang klase ng abuloy ay magpasok ka uli panibagong pamamaraan ng pagkatas ng salapi mula sa kanila. Gawin mong mahalaga sa kanila ang petsa ng magsimula ang ang inyong pananampalataya, sabihin mo sa kanila na ito ay isang malaking biyaya na dapat ipagpasalamat. Magsagawa ka ng pagsamba sa araw na iyan at tawagin mong Pasalamat para sa kaarawan ng inyong relihiyon. Sa ganitong mga okasyon ay gawin mong kakaiba, may mga isang buwan o linggong pagpapanata. Magpagawa ka ng magagandang sobre at ipamigay mo sa kanila na doon nila ilalagay ang salaping handog nila. Pupurihin nila ang Diyos dahil tinawag sila sa inyong pananampalataya. Lagyan ng istilo ang mga pag-awit ng mga pagpupuri ng mga mang-aawit. Gawin mong madrama at kakaiba. Ang mahalaga ay mag-iyakan ang lahat ng mga dumalo. Lahat ng mga tanging okasyon na ilulunsad mo ay laging ganito, may halong mga maka-bagbag damdaming mga pakulo. Makikita mo kung gaanong di malirip na salapi ang darating sa iyo. Hindi mo malalaman kung paano mo bibilangin. Magtalaga ka rin ng banal na araw minsan sa isang taon puwede mong tawagin Taunang Pagdiriwang o Taunang Pagpapasalamat na dito sa araw na ito ay kinakailangan at iniuutos ng Diyos na ang iyong mga miyembro ay magdadala ng malaking salapi. Ang salitang malaking salapi ay palitan mo ng masaganang handog para maging makinis at tunog banal ang dating. Ituro mo na ito ay isang taon nilang dapat pag-ipunan dahil isang taon din silang tumanggap ng pagpapala mula sa Diyos. Ipagawa mo na linggo-linggo ang gawin nilang pagsisimpan ngunit huwag mong ipaiipon sa kanila dahil aabutin pa ang isang taon bago mo magamit o makuha ang kanilang salapi at baka matukso pa sila na iyun ay gugulin nila na pangsarili. Sa iyo na ang mga salaping iyon at hindi na sa kanila. Mahigpit mong itagubilin na huwag nilang pagnanasaan ang salaping isimpan sapagkat yaon ay sa Diyos na. Ipalagak mo sa kanila linggo-linggo sa tuwing sila ay sasamba. Sa ganito ay hindi nila mahahalata na parang nagbubuwis na sila linggo-linggo sa iyo dahil sa kabutihan ginawa sa kanila ng Diyos. Mahihirapan na silang mahalata ito dahil una ay lango na sila na sila ay mga hinirang ng Diyos at sila ay pagpapalain sa buhay na ito at sa buhay na darating. Ikalawa: nakabalot ang mga salaping ito sa mga gawa at salitang pangrelihiyon at pangkabanalan. Gumawa ka ng mga pormas ukol dito upang masubaybayan mong maiigi ang daloy ng salapi lingo-linggo. Sa mga pormas nakalagay ang mga pangalan ng naghandog o nagbigay at kung magkano ang mga handog at kung ilang porsiyento ang nagsimpan sa bawat templo. Magbigay ka sa mga mangangaral mo ng bonus o pabuya tuwing katapusan ng taon na nakabatay ang matatanggap nila kung papaano nila ikinampanya ang taunang pasalamat. Sa dami at laki ng kayamanang makukuha mo ay magagawa mo ring bahaginan ang mga katuwang mo sa paggawa sa gayun ay mamalagi ang kanilang katapatan sa iyo. Magkaroon kang lagi ng pagkukumpara sa halagang nalikom na handog pasalamat sa nakaraang taon at kasalukuyang taon. Alamin mo kung sumulong ang handog nila kumpara ng nakaraang taon o sa marami pang nakaraang mga taon. Pagpaliwanagin mo ang iyong mga mangangaral na nakatalaga sa templong pinaglagyan mo sa kanila at ang mga katuwang niya na umurong o bumaba sa abuloy pasalamat kumpara ng nakaraang taon. Ipaliwananag nilang mabuti kung bakit humina ang kanilang koleksiyon para sa taunang pasalamat. Tandaan mo na ito ang magiging pinakamalaking bukal ng salapi na mapagkukunan mo. Ito ang magiging pinaka-pundayson ng iyong kayamanan.
Gawin mong walang kasiyahan ang paghahangad mo sa salapi. Lagi kang iisip ng mga pagkakaperahan. Minsan ka lang magiging tagapanguna ng relihiyon sa mundo ito, lubusin mo na ang lahat ng pamamaraan mo. Gamitin mo ang salapi ng iyong relihiyon sa pamimili ng mga lupang mura at sa paglipas ng mga panahon ay muli mong ipagbili sa malaking halaga gamit ang kapangyarihang bigay sa iyo ng iyong mga alagad. Higitan mo ng pamamaraan ng mga naunang relihiyon sa pagtabo ng salapi. Kanilang pinag-aralan ang hahinaan ng batas ng pamahalaan na maaari silang kumita ng salapi na hindi sila magbubuwis. Nagtayo ng mga paaralan at mga ospital na walang buwis, pinalitaw na walang tubong mga institusyon, ang layunin ay paglingap sa tao, ngunit sa pinaka-loob ay mapagkakaperahang malaki. Habang lumalaki ang iyong relihiyon lalo kang maraming maiisip na mapagkakaperahan na ang mga miyembro mo na magiging tapat sa iyo ay totoong makikinabang rin.
Tandaan mong lagi sa lahat ng panahon na huwag mong papayagang magtagal ang isang pinagtiwalaan mo na humawak ng makatas na mga posisyon, atangan mo siya ng maraming gampanin na halos hindi na niya makaya hanggang masuong siya sa isang anomalya, iyon ang pagkakataon na hinihintay mo upang palitan mo siya. Huwag mong payagan na ang sinuman sa kanila ay sumagana dahil sa posisyong taglay nila, lagi mo silang puputulan ng sungay upang pagdating ng panahon ay hindi na sila maka-panuwag. Anumang naiisip mo na maaring pagdaluyan ng katakot-takot na salapi ay lagi mong babalutin ng napakakapal na kaimbabawan katulad ng kalooban ng Diyos, matulungan ang mga taong mahihirap at mapagsilbihan ang mga mahihirap. Laging may halong pagmamalasakit ang mga pagkakakitaang ilulunsad mo, ang mga ito ang magsisilbing makapal na usok para hindi makita ng iyong mga naakit ang tunay mong motibo. Kahit ang hindi mga kaanib sa inyong relihiyon ay gawan mo rin ng paraan na makuhanan sila ng salapi. Magtatag ka ng mga foundation na hiwalay sa iyong relihiyon ngunit ikaw pa rin ang nagpapatakbo. Sa mga foundation yan gamitin mo ang kapangyarihan at impluensiya ng iyong relihiyon. Maaari mo silang sabihan na magdonasyon sa mga institusyong itinatag mo. Mahihingan mo sila lalo na ang mga pulitiko na sa pagtulong ay katulad mo rin, may nakapaloob na ibang layunin. Ang salaping galing sa kanila ay hindi na mula sa iyong mga miyembro, dumaan ang mga salaping ito sa ibang lagusan na papunta rin sa iyo at sa iyong mga kasagwat. Bahaginan mo ang lahat ng mga nakapaligid sa iyo, yan ang magsisilbing pangtapal sa kanilang mga mata at bibig, kung sabihin mo na ang puti ay itim at ang itim ay puti ay magkakaisang tatango ang mga iyan. Ang salapi at ang mataas nilang tungkulin ang magiging pang-singkaw mo sa kanila upang mahatak mo sila saan mo man dalhin ang iyong relihiyon

Sort:  

hellow po. you have my upvote.

Congratulations @mwriter723! You have completed some achievement on Steemit and have been rewarded with new badge(s) :

Award for the number of posts published

Click on any badge to view your own Board of Honor on SteemitBoard.
For more information about SteemitBoard, click here

If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

By upvoting this notification, you can help all Steemit users. Learn how here!